BUHOS . Yan ang karaniwang alam ng mga tao patungkol sa konstruksiyon. Ito yung aktibidad kung saan ang halo ng semento ay binubuhos para makabuo ng istruktura tulad ng haligi (column) o kaya ay palapag (slab). Hindi ko direktang trabaho ito. Pero kabilang ang isinasagawa kong inspeksyon bago matuloy ang buhos. Maraming kaakibat na paghahanda bago makabuhos. Sorbey, porma, latag ng bakal, abang para sa mga elektrikal/mekanikal/pagtutubero atbp. Mas kumplikado ang disenyo ng gusali, mas mabusisi ang paghahanda. Sakali namang matapos at mabuhusan ay makakaramdam ka ng tinatawag na "sense of personal pride" dahil naging bahagi ka na ng gusali hanggang ito ay mananatiling nakatayo. Walang buhos ngayon dahil walang pasok. ECQ pa rin. Nakakamiss. Nakakalungkot. Kailan kaya uli magkakaron ng buhos?
Ito ang mundong ginagalawan ko. Matagal-tagal na rin. Pitong taon at patuloy sa puntong ito. Mejo nangingibabaw sa media ang industriya nitong mga huling araw. Maiging samantalahin habang nasa kamalayan pa ng karamihan. Dito nagkaron ng direksyon ang buhay ko. Dito ko naging "gineer". Labingdalawang taon mula ng makatapos. Malayo man ang aking spesyalisasyon, napamahal na rin sa akin ang industriyang bumago sa aking buhay. Melodramatic, oo. Malayo at lihis sa stereotype na mga construction worker - matikas, matibay, malakas. Ang naiisip ko pa lamang na layunin kung bakit sinimulan ko ang blog na ito ay upang maka-blog muli, gamitin ang sariling wikang sa pagsulat at maibahagi ang mundo ng bakal, semento, buhangin, grava atbp. Maligayang pagbubukas ng Konstruksyon ATBP Blog!